Mga mag-aaral, aktibong nakilahok sa Survival and First Aid skills Lecture
Aktibong nakilahok ang mga mag-aaral na miyembro ng Scouts sa isang makabuluhan at maaksyong talakayan na isinagawa ng mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon Base, 1st Provincial Mobile Force Company, Nueva Ecija Police Provincial Office sa Agape Ecumenical School, Brgy. Carmen, Zaragoza, Nueva Ecija nito lamang Lunes, ika-25 ng Nobyembre 2024.
Matagumpay ang aktibidad sa pangunguna ni Police Lieutenant Juanito L Tagaca Jr., Platoon Leader sa ilalim ng pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Paterno L. Domondon Jr, Force Commander, na kung saan tinalakay ang tungkol sa Fundamental Survival and First Aid Skills at Jungle Survival Techniques.
Bahagi ito ng School-Based Encampment Activity na naglalayong bigyang-kaalaman ang mga kabataan sa mga pangunahing pamamaraan ng pagsalba ng buhay at kaligtasan, lalong-lalo na sa mga sitwasyong likas o dulot ng tao.
Tinalakay dito ang mga teknik sa paghahanap ng tubig, pagkain, at kanlungan, na mga pangunahing pangangailangan sa oras ng sakuna.
Aktibo namang nakilahok ang mga miyembro ng scouts na masiglang nakinig at sumubok ng mga bagong kaalaman tulad ng tamang pagbibigay ng first aid at pagbuo ng mga pansamantalang tirahan sa kagubatan.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang pamunuan ng paaralan sa pagsisikap ng pulisya na gabayan at turuan ang mga kabataan sa pamamagitan ng makabuluhang gawain na tulad nito.
Patuloy namang isinasagawa ng kapulisan ang ganitong uri ng pagsasanay upang masiguro ang kahandaan at kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng sakuna.