“Aki na may ‘K’ Dialogue”, isinagawa sa Tiwi, Albay

Sa layuning mapalawak ang kaalaman ng mga batang katutubo hinggil sa kanilang karapatan at proteksyon, nagsagawa ng makabuluhang Barangay Visitation at Dialogue na pinamagatang “Aki na may ‘K’”, ang mga tauhan ng Tiwi Municipal Police Station (MPS) sa pangunguna ni PMAJ CHRISTIAN I. BRUAL, Chief of Police, nitong Hulyo 1, 2025, dakong alas-4:50 ng hapon sa Barangay Joroan, Tiwi, Albay.

Ang naturang dialogue ay bahagi sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng Police Community Relations (PCR) Month na may temang “Reaching Out to Our Indigenous Brothers and Sisters”. Nakatuon ang aktibidad sa pagbibigay ng edukasyon sa mga batang miyembro ng Indigenous Peoples (IP) community patungkol sa mga maagang babala ng pang-aabuso.
Layunin ng aktibidad na linangin ang kamalayan ng mga kabataang katutubo na sila ay may “K” — Karapatan na maging ligtas, Karapatang magsalita, at Karapatang protektahan ang kanilang sarili laban sa anumang uri ng pang-aabuso.

Ang nasabing aktibidad ay patunay ng patuloy na pagtutok ng Tiwi MPS sa pagpapalapit ng serbisyo at impormasyon sa mga malalayong komunidad, lalong-lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan ng proteksyon at kalinga. Isa rin itong pagpapakita ng tunay na diwa ng Police Community Relations — ang pagkakaisa, pakikipag-ugnayan, at pakikipagkapwa-tao.
Source: Tiwi Municipal Police Station