103rd Maneuver Company, nanguna sa Outreach Program sa Ilocos Sur

Sa patuloy na pagtupad ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang tungkulin na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa, pinangasiwaan ng Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB1), 103rd Maneuver Company, ang isang makabuluhang outreach program sa Bangcag Elementary School, Man-atong, Suyo, Ilocos Sur noong ika-17 ng Hulyo ng kasalukuyang taon.

Pinamunuan ni PCpt Olicer L. Gaspar, Deputy Company Commander, katuwang ang mga kinatawan mula sa Life Coach at International Pharmaceutical Incorporated (IPI) ang pagsasagawa ng nasabing aktibidad bilang suporta sa mga haligi ng pamumuno ng Chief PNP, partikular ang pagpapatupad ng mga epektibong estratehiya sa Crime Prevention.

Ang mga kapulisan, katuwang ang mga Advocacy Support Groups, ay naghandog ng libreng serbisyo ng paggugupit sa mga estudyante at residente na naglalayong itaas ang dignidad at tiwala sa sarili ng mga kabataan. Isinagawa din ang pamamahagi ng Hygiene Kits at mga payong upang itaguyod ang kalinisan at proteksyon laban sa mga sakit, lalung-lalo na sa mga bata at kanilang mga magulang. Nagbigay din sila ng karagdagang mahahalagang kaalaman para sa kaligtasan, tamang asal, at pagiging handa sa oras ng sakuna. Ang mga talakayan ay isinagawa sa paraang angkop sa edad ng mga mag-aaral upang higit nilang maunawaan at maisabuhay ang mga ito.

Bilang pagpapakita ng pangmatagalang suporta sa kapayapaan at kaayusan, isang Memorandum of Understanding (MOU) ang nilagdaan sa pagitan ng 103rd Maneuver Company at ng pamunuan ng Bangcag Elementary School. Layon nitong pagtibayin ang kooperasyon ng paaralan sa mga inisyatibo ng PNP para sa ligtas at mapayapang pamayanan.

Ang proyektong ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Police Community Relations Month 2025, isang taunang selebrasyon na kinikilala ang kahalagahan ng malapit na ugnayan sa pagitan ng kapulisan at mamamayan. Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, pinatutunayan ng PNP ang kanilang pagiging katuwang ng bawat Pilipino sa pag-abot ng isang ligtas, maayos, at maunlad na komunidad.

Source: 103rd Maneuver Company, Regional Mobile Battalion Force 1

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *