Tree Planting Activity, isinagawa ng mga empleyado ng Palawan Pawnshop sa Alaminos City
Bilang bahagi ng ika-40 anibersaryo ng Palawan Group of Companies (PGC) sa pangunguna ni Pangasinan West Area Manager Donna May Lopez, nagsagawa ang grupo ng makabuluhang tree planting activity nito lamang Sabado, Agosto 9, 2025 sa City Tree Park ng Alaminos City.
Ang naturang proyekto ay bahagi ng patuloy na “The One Million Trees Project” ng kumpanya, na naglalayong magtanim at magpalago ng milyong puno upang mapangalagaan ang kalikasan at mabawasan ang epekto ng climate change.
Ipinahayag ni City Mayor Arth Bryan C. Celeste ang kanyang pasasalamat sa PGC sa kanilang suporta sa sustainable environmental protection program ng pamahalaang lungsod. “Tunay na kahanga-hanga at napapanahon ang proyektong ito. Malaki ang maitutulong nito hindi lamang sa ating kapaligiran kundi pati na rin sa kinabukasan ng susunod na henerasyon,” aniya.
Kasama ang mga kawani ng PGC at mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, sama-samang nagtanim ng iba’t ibang uri ng punongkahoy sa City Tree Park upang higit pang mapalago ang luntiang paligid ng lungsod.
Sa kanilang mensahe, tiniyak ng Palawan Group of Companies na patuloy nilang isusulong ang mga proyektong may malasakit sa kalikasan bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility.
“Patuloy nating aalagaan ang ating kalikasan, dahil ito ang pinakamahalagang pamana sa susunod na salinlahi,” wika ni Lopez.
Source: Alaminos City LGU