Nagsanib pwersa ang mamamayan ng Kalibo katuwang ang TESDA at ang mga tauhan ng Kalibo Municipal Police Station, sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Jerick B Vargas, Officer-in-Charge, sa paglunsad ng Illegal Drug Awareness Campaign para sa mga TESDA scholar students ng Motosafe Driving School Inc. sa Brgy. Poblacion, Kalibo, Aklan nito lamang ika-9 ng Agosto 2025.
Ang aktibidad ay bunga ng mahusay na koordinasyon sa pagitan ng Kalibo MPS at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), na naglalayong maghatid ng mahalagang kaalaman at inspirasyon sa mga kabataan hinggil sa panganib na dulot ng iligal na droga.
Sa talakayan, binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang masamang epekto ng droga hindi lamang sa kalusugan, kundi pati na rin sa pamilya, kabuhayan, at kinabukasan ng isang tao.
Tinalakay rin ang iba’t ibang paraan upang maiwasan ang pagkalulong dito, at kung paano maaaring maging aktibong bahagi ang mga kabataan at komunidad sa mga programa kontra droga.
Kabilang sa mga aktibidad ang Moral and Spiritual Enrichment na nagtuturo ng mabuting asal, pagpapahalaga sa sarili, at wastong pamumuhay, at Drug Abuse Resistance Education na nagbibigay naman ng praktikal na kaalaman at kasanayan upang tanggihan ang tukso ng bisyo.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng TESDA at Kalibo MPS, naipakita ang malinaw na halimbawa ng bayanihan kung saan magkasama ang pamahalaan, institusyon, at mamamayan sa pagbuo ng mas ligtas at mas maayos na komunidad.
Ang inisyatibong ito ay hindi lamang kampanya laban sa droga, kundi isang hakbang patungo sa mas maliwanag na kinabukasan para sa kabataan ng Aklan.
Source: Kalibo MPS FB Page