Tulong at Serbisyo, ipinamahagi ng KALAP sa Bauang at Agoo
Noong Agosto 9, 2025, muling ipinamalas ng KALAP (Kabataan ng La Union Para sa Pagbabago) ang kanilang malasakit sa komunidad sa pamamagitan ng isinagawang relief operations sa mga bayan ng Bauang at Agoo, La Union. Kasama ang mga boluntaryo mula sa iba’t ibang katuwang na organisasyon, sama-samang kumilos ang grupo upang maghatid ng tulong at serbisyo sa mga pamilyang naapektuhan ng matinding pagbaha sa probinsya.
Sa Brgy. Palintucang, Bauang, nakapag-abot sila ng ayuda sa 100 magsasaka na matinding naapektuhan ng kalamidad. Sa Brgy. Sta. Rita Sur, Agoo, 50 relief packs naman ang ipinamahagi sa mga residente. Kabilang sa naihatid na tulong ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng bigas, de-lata, tubig, at iba pang pagkain upang makatulong sa pang-araw-araw na pamumuhay habang unti-unting bumabangon mula sa pinsala.
Bilang karagdagang serbisyo, nagsagawa rin ang grupo ng libreng blood pressure check-up upang masuri ang kalusugan ng mga naapektuhan ng pagbaha, lalo na ang mga nakatatanda at may karamdaman, na mas nanganganib sa mga komplikasyon sa kalusugan.
Patuloy ang organisasyon sa paglulunsad ng mga proyekto at programang tutugon sa pangangailangan ng komunidad, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad. Ang bawat relief pack at serbisyong naihahatid ay nagsisilbing simbolo ng pagkakaisa, bayanihan, at pag-asa para sa mas ligtas at mas matatag na La Union.
Source: KALAP – La Union