Kabataan, kaagapay ng kapulisan kontra fake news, bullying, at maling paggamit ng 911

0
viber_image_2025-08-30_17-56-00-490

Sa patuloy na pagharap ng kabataan sa hamon ng makabagong panahon, higit na pinagtitibay ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) ang kanilang adbokasiya para sa ligtas at responsableng pamayanan. Dalawang paaralan sa Cagayan ang naging katuwang ng kapulisan sa serye ng lecture-fora na nakatuon sa paglaban sa Fake News, Bullying, at maling paggamit ng 911 Emergency Hotline na ginanap noong ika-29 ng Agosto 2025.

Unang isinagawa ang programa sa Libertad National High School, Abulug, Cagayan, kung saan mainit na tinanggap ng mga guro at mag-aaral ang mga panauhin. Sa kanyang pambungad na mensahe, pinasalamatan ni Ginoong Abraham Acosta, Principal II, ang PNP sa pagkalinga sa kabataan. Kasunod nito, nagbigay paalala si PCPT Jhun Jhun Torio, Deputy Chief of Police ng Abulug Police Station, na gamitin ang social media at teknolohiya nang may pananagutan, sapagkat ang bawat click at share ay may kaakibat na epekto.

Sa pangunahing talakayan, ipinaliwanag ni PMaj Sharon C. Mallillin, Chief ng Regional Police Information Office (RPIO), PRO2, ang tatlong mahalagang usapin: ang tamang paggamit ng 911 bilang agarang sagot sa totoong emergency, ang pagiging mapanuri sa impormasyong nakikita online upang hindi malinlang ng fake news, at ang pagtutol sa anumang anyo ng pambubulas. Aniya, “Ang kabataan ang susi sa pagbabagong hinahangad ng ating lipunan maging tagapagtanggol kayo ng katotohanan at respeto.”

Matapos ang tagumpay sa Abulug, nagtungo naman ang grupo sa Cagayan State University Lal-lo Campus. Dito, nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si PLt Gerardo P. Conde, Deputy Chief of Police for Operation ng Lal-lo Police Station, bago muling ginabayan ni PMAJ Mallillin ang mga estudyante sa parehong mahahalagang paksa. Muli niyang binigyang-diin na ang kabataan ang tunay na kaagapay ng pamayanan sa pagtataguyod ng kaligtasan at kaayusan.

Ang buong programa ay inihanda ng Police Community Affairs and Development Unit (PCADU) ng CPPO, katuwang ang Regional Community Affairs and Development Division (RCADD), at ang mga lokal na himpilan ng kapulisan.

Sa kabuuan, higit pa sa pagbabahagi ng impormasyon, nagsilbing inspirasyon ang programang ito sa mga kabataan ng Libertad NHS at CSU Lal-lo. Pinatunayan nilang sila ay hindi lamang mga mag-aaral, kundi mga responsableng mamamayan na handang makiisa sa kapulisan upang itaguyod ang ligtas, mapanuri, at maunlad na kinabukasan.

Source: Cagayan PPO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *