2-DAY KKDAT 2025 Leadership Congress: Kabataan Nagpakita ng Lakas at Inspirasyon sa Komunidad at Digital World
Isang makabuluhang pagtitipon ng kabataang lider mula sa iba’t ibang bayan ng Cagayan ang naganap sa 2-Day 2nd KKDAT 2025 Leadership Congress, na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Cagayan Police Provincial Office at Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, na may temang “Youth Leadership in Action: Promoting Peace, Advocacy, and Digital Responsibility,” noong Disyembre 12-13, 2025.

Dinaluhan ng mga Municipal Officers ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan, ang kongreso ay hindi lamang nagbigay ng kaalaman sa pamumuno at advocacy, kundi nagbigay rin ng pagkakataon sa kabataan na aktibong makibahagi sa workshops, talakayan, at networking activities. Sa pamamagitan ng mga ito, nahasa ang kanilang kakayahan sa pagtutulungan, pagpaplano ng proyekto, at epektibong pakikilahok sa komunidad, na nagpatibay sa kanilang papel bilang mga kabataang lider.

Sa unang araw ng kongreso, nakibahagi ang mga kalahok sa mga talakayan ng mga eksperto mula sa iba’t ibang larangan. Tinalakay ni PMAJ HAZEL C TABORADA, Provincial Legal Officer ng Cagayan PPO, ang Terrorism Laws in the Philippines at ang kaugnayan nito sa karapatang pantao at kaligtasan ng mamamayan, habang ibinahagi ni PMAJ SHARON C MALLILLIN, OIC, RPIO, ang Anti-Illegal Drug Awareness and Preventive Education upang gabayan ang kabataan sa pag-iwas sa droga. Sina PCpl Carl Bryan Cagurangan, KKDAT Handler, at Mr. Jay Loren C. Tabugay, Principal ng Linao East Elementary School, ay nagbigay naman ng kaalaman sa Project Management, Event Organization, at pamumuno sa kabataan.

Bilang tugon sa mga hamon sa digital na panahon, tinalakay nina Dr. Jan Justin C. Rodriguez, Dr. Yrmeliza V. Rodriguez, Dr. Patrianne Padua, at Ma. Cristine Lopez ang Digital Citizenship, Fact-Checking, Digital Well-being, at Digital Safety. Kaugnay nito, ipinakilala ang DigiTalinong Cagayano Extension Project, na layong palawakin ang digital literacy at responsableng paggamit ng social media sa mga komunidad. Hinikayat din ni Hon. Marlon T. Buena, SK Chairperson ng Peñablanca, ang kabataan na aktibong makibahagi sa community engagement at volunteerism.
Bukod sa mga seminar, nagkaroon ng interactive workshops kung saan hinasa ang kakayahan ng kabataan sa teamwork, problem-solving, at project planning. Sa pamamagitan ng group activities at role-playing, natutunan ng mga kalahok kung paano magplano at magsagawa ng mga proyekto sa kanilang sariling komunidad, habang pinapalakas ang kanilang pakikipagtulungan at liderato.

Bilang bahagi rin ng programa, upang mapalakas ang samahan at ugnayan ng mga kalahok, nagkaroon ng Socialization Night, na nagbigay ng pagkakataon sa kabataan na makilala ang isa’t isa, magbahagi ng karanasan, at bumuo ng matibay na ugnayan sa kapwa kabataan mula sa iba’t ibang bayan ng Cagayan. Ayon sa ilang kalahok, ang gabing iyon ay isa sa pinakamahalagang bahagi ng kongreso, dahil dito nila naramdaman ang tunay na samahan at pagkakaisa bilang mga kabataang lider.

Nagbigay ng inspirasyon at matibay na suporta sa programa ang mga mensahe mula sa mga kinatawan ng pamahalaan at organisasyon. Kabilang dito si PCOL MARDITO G ANGULUAN , Provincial Director, na kinatawan ni PLTCOL RAMIL N ALIPIO, DPDA; si Hon. Maila Ting Que, City Mayor ng Tuguegarao, na kinatawan ni Atty. Willem Breech Hui, Executive Assistant; si Governor Gen. Edgar Aglipay, Ret., na kinatawan ni Mr Meynard Ventura, Provincial Youth Development Officer. Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin ang kahalagahan ng kabataang lider bilang haligi ng pagbabago, sa pagtataguyod ng kapayapaan, paglaban sa droga at terorismo, at sa responsableng paggamit ng digital na teknolohiya upang maging aktibong bahagi ng pag-unlad ng kanilang komunidad at ng buong lalawigan.
Ayon sa mga KKDAT officers, na siyang pangunahing organizer at nag-initiate ng nasabing seminar sa pamumuno ni Mr. William Furigay, Provincial KKDAT President ng Cagayan Chapter, ang kongresong ito ay higit pa sa isang pagtitipon. Ito ay nagsilbing plataporma upang maisabuhay ng kabataan ang kanilang mga natutunan, maisulong ang adbokasiya laban sa droga at terorismo, at maging aktibong katuwang sa paghubog ng mas ligtas at maayos na komunidad.
Dagdag pa rito, aktibong nakibahagi at nagbigay ng buong suporta sa matagumpay na pagdaraos ng aktibidad ang mga personnel ng Provincial Community Affairs and Development Unit sa pamumuno ni PMAJ FLORENTINO P MARALLAG, AC, PCADU. Sila ang nangasiwa at nag-monitor sa kabuuan ng dalawang araw na aktibidad, kabilang ang paghahanda, koordinasyon, at implementasyon ng mga programa, upang matiyak ang maayos, sistematiko, at epektibong daloy ng kongreso. Tiniyak din nila na ang bawat bahagi ng seminar ay naipatupad nang wasto at alinsunod sa itinakdang layunin ng aktibidad.
Sa pagtatapos ng programa, mariing binigyang-diin ang kahalagahan ng kabataang may malasakit, may kakayahan, at handang magsilbing inspirasyon sa lipunan. Ang matagumpay na pagdaraos ng 2nd KKDAT Leadership Congress 2025 ay patunay ng patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ng Cagayan Police Provincial Office sa paghubog ng kabataang lider bilang tagapagdala ng positibong pagbabago sa lalawigan.