Tatlong opisyal ng Bureau of Immigration, sinibak dahil sa paglabag sa Detention Protocol
Inihayag ng Malacañang nitong Huwebes na sinibak sa puwesto ang tatlong opisyal ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng paglabag sa detention protocols matapos makapag-record ng video content ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy habang nakadetine.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, nakumpirma sa imbestigasyon ang seryosong pagkukulang sa pagpapatupad ng mga alituntunin sa loob ng pasilidad ng BI. Ilang cellular phones din ang nakumpiska, at nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang opisyal na may pananagutan.
Ang mga video ay kinunan umano noong mga unang araw ng pagkakaaresto ni Zdorovetskiy, na inaresto dahil sa umano’y pangbabastos at panggugulo sa mga Pilipino para sa online content.
Si Zdorovetskiy ay naideport na pabalik sa Russia at hindi na papayagang makapasok muli sa Pilipinas.
Source: https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/balita/973823/3-opisyal-ng-bi-sinibak-dahil-sa-content-ng-russian-na-si-vitaly-habang-nakakulong/story/