Pinakamataas na employment rate, naitala sa ilalim ng administrasyon ni PBBM
Matapos ang halos dalawang dekada ay naitala ang pinakamataas na employment rate sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Disyembre 2023, lumalabas na bumaba ang unemployment rate sa bansa ng 3.1%, kumpara sa 3.6% noong Nobyembre 2023 at 4.3% noong Disyembre 2022.
Habang sa Labor Force Survey (LFS) naman ay may datos na 96.6% ang Pilipinong may trabaho kung saan ito ang pinakamataas na employment rate na naitala sa bansa mula noong April 2005 sa 91.7%.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, patuloy na ipatutupad ng pamahalaan ang demand- at supply-side interventions, implementasyon ng mga inisyatiba katulad ng Public-Private Partnership Code at Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Housing Program at ang pagsulong ng upskilling, re-skilling, at innovation.
Ayon naman kay Secretary Arsenio Balisacan ng National Economic and Development Authority (NEDA), ipagpapatuloy ng administrasyon ang pisikal na pamumuhunan sa imprastraktura at pagpapabuti sa human capital upang mapanatili ang magandang kondisyon ng labor market.
Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Marcos na sa ilalim ng programang “Bagong Pilipinas,” may magandang trabahong naghihintay para sa bawat Pilipino.