BPATs Bontoc, tumanggap ng tulong pinansiyal




Tumanggap ng tulong pinansiyal ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) at mga miyembro ng Barangay Lupon sa Bontoc, Mountain Province nito lamang ika-9 ng Enero 2024.
Ayon kay Honorable Jerome “Chagsen” Tudlong Jr, Municipal Mayor ng Bontoc, bawat barangay sa bayan ng Bontoc ay nakatanggap ng Php25,000.00 para sa kanilang mga BPATs habang Php20,000.00 naman ang ibinigay para sa mga miyembro ng Lupon.
Bukod pa dito, binigyang-diin ni Mayor Tudlong Jr., ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga tanod at ng lupon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong bayan.
Kanya ding pinuri ang dedikasyon at masigasig na trabaho ng mga miyembro ng BPATs at Lupon, na itinuturing na frontliners sa pag-address ng mga isyu sa laylayan ng komunidad.
“Ang ating mga tanod ng barangay at mga miyembro ng Lupon ay naglilingkod bilang frontliners sa pagsolusyon ng mga alitan at pagpapanatili ng kaayusan sa ating mga barangay. Sila ay may mahalagang papel sa pagresolba ng mga hidwaan at panatilihing ligtas at maayos ang ating komunidad para sa lahat,” dagdag ni Mayor Tudlong.
Samantala, mariing isinusulong ng Local Government Unit ng Bontoc ang matibay na pangako nito na itaguyod ang kapayapaan at kaayusan sa labing anim barangay nito sa tulong mga mga BPATs at mga Lupon.