KKDAT nagsagawa ng Tree Planting at Coastal Clean-up Drive sa Panabo City
Isinagawa ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT), sa pakikipagtulungan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Panabo, ang isang Tree Planting at Coastal Clean-up Drive nito lamang Nobyembre 9, 2024.
Ginanap ang aktibidad sa tabing-dagat ng Barangay San Pedro, Panabo City, Davao del Norte, kung saan ang mga kalahok ay nagkaisa sa layuning mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kalikasan. Aktibong nakibahagi naman sa nasabing proyekto ang mga tauhan ng Panabo Police Station at ang mga miyembro ng Panabo Youth Responder Organization (PYRO).
Bilang bahagi ng kanilang adbokasiya para sa kalikasan, matagumpay naitanim ang 200 Bane seedlings na makakatulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng kalikasan, pati na rin sa pagpigil ng soil erosion at pagbibigay ng tirahan sa mga lokal na hayop.
Kasabay nito, nakolekta ang 76 kilo ng basura mula sa baybayin, isang hakbang upang mapanatili ang kalinisan ng mga tabing-dagat at maiwasan ang pagkasira ng ekosistema sanhi ng plastik at iba pang uri ng basura.
Ang aktibidad na ito ay hindi lamang nakatutok sa pangangalaga ng kalikasan, kundi nagpapakita rin ng pagtutulungan ng mga awtoridad, kabataan, at komunidad upang magtaguyod ng isang malinis at ligtas na kapaligiran.