Bloodletting Activity, nilahukan ng iba’t ibang sektor sa Iloilo City
Isang matagumpay na bloodletting activity na may temang: “Dugo Mo, Buhay Ko: Dugong Alay, Dugong Buhay” ang isinagawa ng CPT Mart na nilahukan ng iba’t ibang sektor na ginanap sa Molo Health Center, Molo Plaza, Iloilo City, nito lamang ika-1 ng Decembre 2024.
Ang nasabing aktibidad ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Iloilo City Health Office, Molo Health, Molo Police Station, at ABC Association of Barangay Captains ng Molo District, na naglalayong makapagtipon ng dugo para sa mga nangangailangan at upang bigyang-buhay ang diwa ng bayanihan at pagtulong sa kapwa.
Ang kolaborasyon ng kapulisan at iba’t ibang ahensya ay nagpatunay ng kanilang malasakit at dedikasyon sa komunidad, patunay din ito ng kanilang taos-pusong suporta sa mga proyektong pangkalusugan na naglalayong makapagligtas ng buhay.
Ang ganitong uri ng aktibidad ay nagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng komunidad at mga institusyong naglilingkod sa kanila.
Ito rin ay paalala na sa gitna ng mga hamon, mas malakas at mas matatag tayo kung tayo ay nagtutulungan at nagkakaisa.
Sa bawat patak ng dugong inalay, makikita ang diwa ng bayanihan na patuloy na nagbibigay liwanag at lakas sa ating bayan.