Php8 Milyong Proyekto, naipasa sa tatlong barangay sa Cabanglasan, Bukidnon

Matagumpay na naiturn-over ang mga proyektong nagkakahalaga ng Php8 milyon sa mga Barangay Lambagan, Poblacion, at Mauswagon sa bayan ng Cabanglasan, Bukidnon nito lamang Hunyo 23, 2025.

Ang mga proyektong ito ay binubuo ng dalawang Water Supply Systems at isang Farm-to-Market Road, na pinondohan sa ilalim ng 2022 Local Government Support Fund–Support to Barangay Development Program (LGSF-SBDP).

Pinangunahan ang turn-over ceremony nina Municipal Mayor Lolita N. Bullecer, DILG Bukidnon Provincial Director Rhona Pedraza-Abadilla, at Bukidnon PPO Provincial Director Police Colonel Jovit L. Culaway, kasama ang iba pang mga opisyal ng barangay at mga residente.

Layunin ng aktibidad na mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan, lalo na sa mga lugar na dating naapektuhan ng armadong tunggalian.

Ang water supply system ay magtitiyak ng ligtas na inuming tubig, habang ang farm-to-market road ay magpapadali sa pagdadala ng produkto mula bukid patungo sa pamilihan.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni PD Abadilla na ang tunay na hamon ngayon ay ang pagpapanatili ng kapayapaan at pag-unlad sa mga komunidad. Aniya, ang mga proyektong ito ay patunay na walang barangay ang nakakalimutan sa adhikain ng pamahalaan na isulong ang kaunlaran para sa lahat. Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsuporta ng gobyerno sa ilalim ng Whole-of-Nation Approach, na naglalayong isulong ang inklusibo at pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng mga serbisyong may malasakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *