Iba’t ibang ahensya, nagkaisa sa Blood Donation Drive sa Iloilo City

Sa diwa ng bayanihan at pagkakaisa, matagumpay na isinagawa ang Blood Donation Activity nito lamang ika-17, ng Hulyo 2025 sa 3rd Floor ng Robinsons Place Pavia, Iloilo.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-30th Police Community Relations (PCR) Month na may temang “Sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng Pulis, Ligtas ka!” at may pamagat na “Dugo sang Ilonggong Baganihan, Madamo nga Kabuhi ang Magsugpunan”, nagtipon-tipon ang 203 kalahok, kung saan 131 sa kanila ang matagumpay na nakapag-donate ng dugo—katumbas ng 131 potensyal na buhay na maisasalba.
Naging matagumpay ang nasabing aktibidad dahil sa matibay na ugnayan at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor sa inisyatibang isinulong at pinangunahan ng Iloilo Police Provincial Office sa pamumuno ni PCOL BAYANI M RAZALAN, Provincial Director.

Katuwang ng IPPO ang Western Visayas Medical Center (WVMC), Robinsons Place Pavia, Advocates, Inc., Panay-Guimaras Council of Lions Clubs, M Lhuillier Panay South Region, at Corden Agro Industries Inc., lumahok din ang 42 Municipal Police Stations at 1 City Police Station sa buong lalawigan, mga Force Multiplier at mga pribadong sibilyan upang masiguro ang tagumpay ng proyektong ito.
Binigyang-diin ni Police Colonel Razalan na ang makabagong pagpupulis ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas kundi nakasentro rin sa serbisyong pangkomunidad.
Taos-pusong nagpapasalamat din siya sa bawat donor at sponsor na tumugon sa panawagan.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, mas pinatitibay pa ang ugnayan ng pulisya, pamahalaan, pribadong sektor, at mga mamamayan, isang malinaw na patunay na sa pagkakaisa, mas maraming buhay ang maaaring mailigtas.
Source: IPPO FB Page