PNP Galimuyod, nagsagawa ng Outreach Program sa Baracbac Elementary School

Noong Hulyo 18, 2025, isinagawa ng Galimuyod Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Lieutenant Arnel P. Valdez, Officer-In-Charge, ang isang makabuluhang outreach program sa Baracbac Elementary School sa Galimuyod Ilocos Sur bilang bahagi ng selebrasyon ng 30th Police Community Relations (PCR) Month.
Ang aktibidad ay tinawag na “6-in-1” kung saan isinagawa ang sabayang lecture, storytelling, film viewing, pamamahagi ng school supplies at dental kits, at feeding activity. Dalawampu’t siyam (29) na mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6 ang naging benepisyaryo ng nasabing programa.

Tinalakay sa mga bata ang mga mahahalagang paksa tulad ng good touch at bad touch, pag-iwas sa pang-aabusong sekswal sa kabataan, masamang epekto ng ilegal na droga, kamalayan sa terorismo, anti-bullying, Bawal Bastos Law, cybercrime, at tamang hygiene. Layunin ng mga talakayan na palakasin ang kaalaman ng mga bata sa kaligtasan, proteksyon sa sarili, at pangangalaga sa kalusugan.

Nagbigay rin ng mga babasahing aklat at panlinis ng comfort room ang Galimuyod PNP bilang karagdagang tulong. Lubos ang pasasalamat ng PNP sa Office of the Sangguniang Bayan ng Galimuyod sa pangunguna nina Hon. Kulapu Trinidad, Ma’am Evageline L. Abaya, Hon. Antonio Margallo Jr., at Jezzi Shopping Center ng Candon City Ilocos Sur sa kanilang suporta sa nasabing gawain.

Ang ganitong uri ng aktibidad ay patunay ng aktibong partisipasyon ng kapulisan sa pagtuturo ng tamang kaalaman at pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad. Isa itong hakbang tungo sa paghubog ng mga kabataang maging responsableng mamamayan. Isang mahalagang sangkap para sa pagbuo ng isang ligtas, maunlad, at makataong Bagong Pilipinas.
Source: Galimuyod Municipal Police Station