Nationwide Mass CPR Awareness Campaign, isinagawa ng iba’t ibang ahensya sa Bacolod City

Matagumpay na isinagawa ang ika-10th PHA Nationwide Mass CPR Awareness Campaign na may temang “ZapPinas 2025: First Responder Team, sa CPR Win na Win! (CPR-ready na ba ang Barangay mo?)” nito lamang ika-17 ng Hulyo, 2025 sa BCPO Multi-purpose Gym, Bacolod City.
Aktibong nakilahok sa aktibidad ang Bacolod City Police Office (BCPO), sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Joeresty P. Coronica, City Director.
Ang mahalagang inisyatibong ito ay naisakatuparan sa pangunguna ng BCPO katuwang ang mga kinatawan mula sa AWVEMS Inc., CLMMRH – Emergency Department, Bacolod City Fire Station, at City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO).
Isa sa mga pangunahing tampok ng programa ang isinagawang skills training ng mga doktor mula sa CLMMRH – Emergency Department, kung saan itinuro ang tamang pamamaraan ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) at wastong paggamit ng Automated External Defibrillator (AED).

Ang pagtuturo ng tamang CPR at AED ng mga eksperto mula sa CLMMRH ay nagbigay ng mahalagang kaalaman at kasanayan sa mga miyembro ng PNP upang mas maging handa sa mga insidente ng Out-of-Hospital Cardiac Arrest (OHCA).
Layunin din ng aktibidad ang pagbubuo at pagpapalakas ng mga community-based first responder teams, na magsisilbing unang tagapagligtas sa oras ng sakuna sa kanilang mga barangay.
Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya, pinatunayan ng BCPO na ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman at kakayahan sa CPR ay hindi lamang tungkulin ng mga medikal na propesyonal, kundi responsibilidad din ng bawat miyembro ng komunidad upang mailigtas ang mas maraming buhay.
Source: BCPO PIO FB Page
