Emergency Operations Center, nagsagawa ng pagpupulong para sa Bagyong Crising
Muling nagsagawa ng pagpupulong ang Emergency Operations Center (EOC) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na ginanap sa Command Center ng PDRRMO Headquarters sa Brgy. Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa noong Hulyo 19, 2025.
Ang pagpupulong ay pinangunahan ni Gob. Amy Roa Alvarez via zoom platform. Inilatag dito ang kasalukuyang kaganapan sa bawat munisipyo sa lalawigan na lubhang naapektuhan ng Bagyong Crising at Habagat kabilang ang incident monitoring na mga apektado ng pagbaha, damage assessment at needs analysis na inilahad ni PDRRMO Jeremias Alili.

Iniulat naman ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang estado ng mga prepositioned at readily available Family Food Packs na nakatakdang ipamahagi sa mga apektadong lugar. Patuloy rin ang health monitoring ng Provincial Health Office (PHO) sa mga indibidwal na nasa evacuation centers gayundin sa mga apektado ng pagbaha.
Patuloy rin ang koordinasyon ng EOC ng pamahalaang panlalawigan sa iba pang ahensya ng pamahalaan at mga munisipyo upang matugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng Bagyong Crising at habagat.
Source: PIO PALAWAN