Masiglang pagdiriwang ng Nutrition Month 2025, isinagawa sa Bahay Pag-asa Youth Center

0
viber_image_2025-07-27_12-50-12-944

Bilang pakikiisa sa taunang selebrasyon ng Nutrition Month, matagumpay na isinagawa ngayong araw ng Hulyo 25, 2025 ang isang nutrition activity sa Bahay Pag-asa Youth Center na may temang “Sa PPAN: Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat: Food at Nutrition Security, Maging Priority! Sapat na Pagkain, Karapatan Natin!”

Layunin ng programa na mas lalong palalimin ang kamalayan ng mga kabataang nasa loob ng institusyon patungkol sa kahalagahan ng tamang nutrisyon at ang pagkakaroon ng sapat na pagkain bilang karapatan ng mamamayan. Ang isang araw na aktibidad ay magkatuwang na isinagawa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at ng Provincial Health Office (PHO) katuwang ang Palawan PNP sa pag papanatili ng katahimikan sa naturang lugar.

Tampok dito ang informative discussion patungkol sa food and nutrition security, HIV counseling and testing at Adolescent Health discussion.

Ipinamalas din ng mga kabataan sa Bahay Pag-asa ang kanilang kakayahan sa pagluluto ng masustansyang pagkain gamit ang mga simpleng sangkap sa ginanap na cooking show bilang bahagi ng programa. Lumahok din ang mga ito sa masiglang Zumba Dance competition.

Ipinaliwanag naman ni Bb. Darelle Jaide Sanchez, nutritionist-dietitian II ng Provincial Nutrition Office ang kahalagahan ng selebrasyon. “Ang aktibidad ngayon ay sinusuportahan ng iba’t ibang programa mula sa PHO, dahil ang nutrisyon ay isang isyung multisectoral. Ibig sabihin, maraming ahensiya at sektor ang may mahalagang papel upang maisulong at mapanatili ang magandang kalagayan ng nutrisyon sa ating lugar.”

Ang Bahay Pag-asa ay isang youth rehabilitation center na pinangangasiwaan ng PSWDO ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan para sa mga Children in Conflict with the Law (CICL) o mga kabataang inaakusahan o napatunayang lumabag sa batas.

source: Palawan PIO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *