IEC at Symposium Kontra Droga, isinagawa sa CDO
Matagumpay na isinagawa ang isang Inter-Sitio Information Education Campaign (IEC) at Symposium kontra iligal na droga sa Barangay Lapasan, Cagayan de Oro City noong Hulyo 29, 2025.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) sa tulong ng mga tauhan ng Agora Police Station, katuwang ang Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) at ang Sangguniang Kabataan (SK) ng nasabing barangay.
Tinalakay sa aktibidad ang kahalagahan ng pagkakaroon ng suportadong komunidad, kabataan na may tamang kaalaman, at aktibong pakikilahok sa mga programa ng barangay upang mapanatiling ligtas at maayos ang pamayanan mula sa impluwensiya ng iligal na droga.
Layunin ng IEC at symposium na palakasin ang kamalayan ng mga kabataan at residente sa mga panganib ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pati na rin ang mga hakbang na maaaring gawin upang makaiwas dito.
Bahagi rin ng talakayan ang mga oportunidad sa rehabilitasyon para sa mga indibidwal na nais magbagong-buhay.