“Baston para sa Maton” BPATs Training at KASIMBAYANAN, isinakatuparan sa Tabaco City
Matagumpay na isinagawa nito lamang Agosto 22, 2025 ang Skills Enhancement Training para sa mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) ng Barangay Tagas, Tabaco City.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng mga tauhan mula sa Tabaco City Police Station, katuwang ang pamunuan ng barangay sa pangunguna ni Punong Barangay Maria Lourdes Bonto, kasama ang iba pang barangay opisyal at mga force multipliers
Sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL EDMUNDO A. CERILLO JR., hepe ng Tabaco CPS, kasama si Pastor Daniel Cabria, Faith-Based / Community Adviser, tinalakay sa pagsasanay ang mahahalagang paksa gaya ng Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act), laban kontra Fake News, Katarungang Pambarangay, at iba pang kaugnay na batas at alituntunin na mahalaga sa pagpapatupad ng kaayusan sa pamayanan.

Bukod sa mga talakayan, isinagawa rin ang aktwal na pagsasanay ukol sa tamang paggamit ng baton, wastong proseso ng pag-aresto, at ang tamang pagresponde bilang first responder sa oras ng mga insidente o emergency.
Bilang bahagi ng Best Practice ng Tabaco CPS na “Baston Para sa Maton”, namahagi rin ng mga baton at posas ang kapulisan sa pamunuan ng barangay upang magamit ng mga BPAT sa kanilang pagpapatupad ng batas at ordinansa.

Layunin nito na mabigyan ng sapat na kagamitan at dagdag na kakayahan ang mga miyembro ng force multipliers upang mas maging epektibo sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng komunidad.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi din ng programang KASIMBAYANAN (Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan) na patuloy na itinataguyod ng Tabaco City Police Station upang lalo pang mapalakas ang kooperasyon at pagkakaisa sa pagitan ng PNP, simbahan, at mamamayan tungo sa isang mas maunlad at mapayapang pamayanan.
Source: Tabaco City Police Station