Crime Prevention Awareness, isinagawa sa Lapu-Lapu City, Cebu
Nagsagawa ng Crime Prevention Awareness Lecture ang mga tauhan ng Police Station 2 – Lapu-Lapu City Police Office (PS2-LCPO) sa ilalim ng direktang pamumuno ni PLT Jupiter N. Nurab, Officer-In-Charge.
Ang naturang aktibidad ay isinagawa para sa mga Grade 10 na mag-aaral ng Punta Engaño High School , noong ika-28 ng Agosto 2025 bilang bahagi ng patuloy na programa ng PNP sa pagbibigay ng kaalaman at tamang impormasyon sa kabataan.
Sa nasabing pagtitipon, tinalakay ang mahahalagang batas tulad ng RA 11313 o Safe Spaces Act na nagbibigay proteksyon laban sa anumang uri ng gender-based harassment, at RA 8353 o Anti-Rape Law of 1997 na naglalayong bigyang hustisya at proteksyon ang mga biktima ng panghahalay.
Kasama ring tinalakay ang nagpapatuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa kriminalidad, iligal na droga, at terorismo na nakapaloob sa Executive Order No. 70 o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Layunin ng aktibidad na mapalawak ang kaalaman ng kabataan ukol sa kanilang mga karapatan, tungkulin, at proteksyon sa ilalim ng batas.
Higit pa rito, hinikayat din nila ang mga estudyante na maging katuwang ng kapulisan sa pagsusulong ng isang ligtas, maayos, at maunlad na komunidad na walang droga at matatag laban sa anumang banta ng terorismo.