Anti-Criminality Dialogue, isinagawa sa Inosluban Marawoy Integrated National High School at Lumbang Elementary School

Matagumpay na isinagawa ang Anti-Criminality Dialogue ng mga tauhan ng Lipa Component City Police Station, sa pamumuno ni PLtCol Aleli Cuyan Buaquen, Officer-in-Charge, sa Inosluban Marawoy Integrated National High School at Lumbang Elementary School, kung saan naging tampok ang aktibong partisipasyon ng mga mag-aaral nito lamang ika-5 ng Setyembre 2025.

Dumalo rin sa nasabing aktibidad ang mga guro, magulang, PTA officers, barangay officials, at VAWC personnel, na pawang nagpahayag ng suporta.

Layunin ng programa na mapalalim ang kaalaman ng mga kabataan hinggil sa mga isyung may kinalaman sa iligal na droga, pambubully at cyberbullying, pati na rin sa karahasang sekswal, lalo na sa mga kababaihan at kabataan. Naipahayag ng mga estudyante ang kanilang mga saloobin, karanasan, at katanungan, na naging daan upang higit nilang maunawaan ang mga panganib at ang kahalagahan ng pag-iingat.

Tinalakay naman mga kapulisan ang mga estratehiya sa pag-iwas sa krimen, tamang hakbang sa pag-uulat ng insidente, at ang papel ng kabataan sa pagtataguyod ng ligtas at mapayapang pamayanan. Sa pamamagitan ng mga open forum at tanong-sagot na bahagi ng aktibidad, nakita ang kagustuhan ng mga mag-aaral na matuto at makilahok sa mga usaping pangkapayapaan.

Ipinamahagi rin sa mga kalahok ang mga emergency contact numbers tulad ng Lipa Component City Police Hotline: 0977-744-9692 at 911 upang masiguro ang mabilis na aksyon sa oras ng kagipitan.

Sa pamamagitan ng programang ito, muling pinatunayan ng Lipa Component City Police Station ang kanilang pagsusumikap na protektahan ang kabataan at turuan silang maging responsable, mapagmatyag, at aktibong katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan sa komunidad. Ang partisipasyon ng mga mag-aaral ay nagsilbing patunay na ang kabataan ay hindi lamang tagapakinig, kundi mahalagang bahagi ng solusyon laban sa kriminalidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *