125th Philippine Civil Service Anniversary Fun Run, masiglang dinaluhan ng iba’t ibang ahensya sa Iloilo
Sa makasaysayang pagdiriwang ng 125th Philippine Civil Service Anniversary (PCSA) Fun Run ay aktibong nakibahagi ang iba’t ibang ahensya ng lipunan sa Rehiyon ng Western Visayas kasama ang opisyal na mascot ng Police Regional Office 6 (PRO6), kasama ang mga personnel ng PRO6, sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Josefino D Ligan, RD PRO 6, na ginanap nito lamang ika-7 ng Setyembre 2025 sa Iloilo Freedom Grandstand, Muelle Loney, Iloilo City.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng halos 2,000 kalahok kabilang ang mga opisyal ng pamahalaan, unipormadong hanay, mga empleyado, pamilya, at mga running enthusiasts.
Ang mga kalahok ay napabilang sa iba’t ibang kategorya ng wellness run—5km, 3km, at 1km, na hindi lamang nagsulong ng kalusugan at ehersisyo kundi nagpatibay rin sa mga pangunahing pagpapahalaga ng pagkakaisa, malasakit, at wellness sa hanay ng mga lingkod-bayan.
Higit pa rito, ang PCSA Fun Run ay nagsilbing plataporma upang makalikom ng suporta para sa Pamanang Lingkod Bayani (PLBi) Program, isang pambansang inisyatibo na naglalayong magbigay ng pagkilala at tulong-pinansyal sa mga pamilya ng mga civil servant na nag-alay ng kanilang buhay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ang tagumpay ng kaganapang ito ay patunay ng bisa ng kolaborasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at sektor ng lipunan.
Mula sa pakikiisa ng pulisya, lokal na pamahalaan, at pambansang institusyon, higit na napagtibay ang diwa ng bayanihan at malasakit na siyang pundasyon ng epektibong serbisyo publiko.
Sa kabuuan, ang PCSA Fun Run ay nagsilbing makabuluhang pagdiriwang hindi lamang ng pisikal at mental na kalusugan, kundi ng sama-samang pagkilos ng bawat ahensya para sa ikabubuti ng sambayanan, isang patunay na ang tunay na pamana ng serbisyo publiko ay ang pagkakaisa at malasakit sa kapwa.
Source: PRO 6