BBBIDA MPA Network, namuno sa sabayang paglilinis ng baybayin sa Infanta

0
viber_image_2025-10-05_16-35-29-841

Pinangunahan ng BBBIDA MPA Network (Bolinao–Bani–Burgos–Infanta–Dasol Alliance Marine Protected Area Network) ang ika-4 na Quarter na sabayang paglilinis sa baybayin ng Barangay Poblacion, Infanta, Pangasinan, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Infanta sa pamumuno ni Mayor Virgilio F. Vallarta, M.D., sa pamamagitan ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) na pinamumunuan ni G. Justino Madarang. Ang nasabing aktibidad ay matagumpay na isinagawa noong Oktubre 2, 2025.

Ang BBBIDA MPA Network ay binubuo ng mga lokal na stakeholder at tagapangalaga ng kalikasan mula sa limang bayan ng Bolinao, Bani, Burgos, Infanta, at Dasol, na magkatuwang na nagsusulong ng pangangalaga at tamang pamamahala sa mga marine protected areas sa kanlurang bahagi ng Pangasinan. Layunin ng grupo na mapangalagaan ang yamang-dagat at mapanatili ang balanseng ekosistema sa mga baybaying dagat ng lalawigan.

Kabilang sa mga nakibahagi sa gawaing ito ang Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Tierra Del Norte, Edzena Aquafarm, St. Michael Aquafarm, J & F Aquatic Resource, Tourism Office, MENRO, LYDO, PIO, SJI, Barangay Poblacion Council, CENRO–Western Pangasinan, PG-ENRO, at iba pang katuwang na institusyon sa komunidad.

Sa pamamagitan ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng mga ahensya, organisasyon, at mga mamamayan, ipinamalas ng bayan ng Infanta ang kanilang patuloy na malasakit sa kalikasan at ang pagkakaisa ng sektor publiko at pribado para sa malinis, luntian, at mas matatag na komunidad.

Ang naturang aktibidad ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng mga mamamayan ng Infanta sa pangangalaga ng kalikasan, bilang ambag sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas na may disiplina, pagkakaisa, at malasakit sa kapaligiran.

Source: LGU Infanta, Pangasinan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *