MDRRMO Panay, nanguna sa coordinating Emergency Response sa Panay Loop 2025

0
viber_image_2025-10-06_14-04-29-629

Upang masiguro ang kaligtasan at kahandaan ng mga lumalahok sa Panay Loop 2025, ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Panay, sa pangunguna ni Mayor Jonathan Besa, ay nagpatupad ng standby first responder emergency service katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan nito lamang ika-5 ng Oktubre 2025.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na adhikain ng lokal na pamahalaan ng Panay na mapangalagaan ang kapakanan ng publiko habang isinusulong ang turismo at pagkakaisa sa rehiyon.

Ang naturang aktibidad ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Panay Rural Health Unit (RHU), bilang bahagi ng pagtitiyak sa kaligtasan at kahandaan ng lahat ng lumahok sa nasabing kaganapan.

Ang Panay Loop 2025 ay nilahukan ng mga motorcycle enthusiasts mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang na ang ilang Local Chief Executives mula sa iba’t ibang bayan at probinsya, gayundin ang mga Moto Vloggers na naglalayong isulong ang turismo at ipakilala ang ganda ng Panay Island.

Sa pamamagitan ng kanilang partisipasyon, higit pang naipromote ang Panay bilang isang destinasyon para sa adventure at motor tourism.

Ipinakita ng naturang aktibidad ang matibay na kolaborasyon ng bawat ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Besa.

Ang MDRRMO Panay ay nanguna sa pagtatalaga ng mga standby emergency responders, habang ang PNP ay nagpatupad ng traffic management at seguridad sa buong ruta.

Samantala, ang BFP ay nakaantabay para sa anumang insidente na nangangailangan ng agarang tugon, at ang RHU Panay naman ay nagbigay ng medical assistance at first aid services sa mga nangangailangan.

Sa pamamagitan ng pagkakaisa at koordinasyon ng mga ahensyang ito, matagumpay na naisagawa ang Panay Loop 2025 nang ligtas, maayos, at puno ng sigla.

Muling ipinakita ng mga taga-Panay ang diwa ng bayanihan at ang kanilang dedikasyon sa kaligtasan, serbisyo, at pagpapaunlad ng turismo sa rehiyon.

Source: MDRRMO Panay FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *