Iba’t ibang NGOs katuwang ang militar, namahagi ng inuming tubig sa mga nasalanta sa Isabela, Negros Occidental
Namahagi ang iba’t ibang grupo ng mga Non-Government Organizations sa pangunguna ng Hope Builders Organization Negros Inc. (HBONI), katuwang ang mga tauhan ng 94th Infantry Battalion, Philippine Army ng libreng inuming tubig sa mga nasalanta ni bagyong Tino sa Hacienda Antolanga, Barangay Tinongan, Isabela, Negros Occidental nitong November 7, 2025.
Ang naturang komunidad ay lubos na naapektuhan sa hagupit ni bagyong Tino kung saan binaha at lumubog ang mga kabahayan.

Ayon sa mga residente, kabilang din sa lumubog ang limang silid-aralan ng nasabing barangay kung saan umabot sa bubong ang taas ng tubig-baha.
Sa kabila ng patuloy na mga relief efforts, nananatili pa ring mahirap ang sitwasyon ng tinatayang nasa 500 na pamilya na kasalukuyang pansamantalang naninirahan sa mga evacuation centers.
Layunin ng grupo na maghatid ng tulong lalo na ang malinis na tubig na isa sa mga pangunahing pangangailangan ng apektadong mga residente

Umabot sa 455 water bottles ang matagumpay na naipamahagi ng grupo sa nasabing komunidad.
Bahagi sa mga nakiisa sa nasabing inisyatiba ang Central Philippines State University – Supreme Student Government; 100.5 CPSU Radyo Muscovado Sweet FM; Brigada News Kabankalan; Alpha Sigma Phi Organization; Brgy. Tagukon SK Council; Art Relief Mobile – Bacolod; Panyam-is Pag-asa Youth Association of the Philippines – Inayawan; CPSU Graduate School; CPSU SAS; Frezh Water Station; CPSU CWTS; Otirasor, Marzland Boarding House; Aquaritz, at Bus Stop Café.