Philippine Navy, Marines at mga BPATs, bahagi sa patuloy na HADR Operations sa mga nasalanta ng bagyo
Patuloy na nakibahagi ang mga tauhan ng Philippine Navy at Philippine Marines sa nagpapatuloy na Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) operations para sa mga nasalantang residente sa Sitio Kamansilles at Sitio Riverside sa Barangay Nangka, Balamban, Cebu nito lamang November 16, 2025.
Kasama ng grupo ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams na tumulong din sa mga awtoridad na namahagi ng mga disaster relief goods at iba pang mga pangunahing pangangailangan sa mga apektadong mamamayan.
Nagsimula ang operasyon dakong alas 3:00 ng hapon at natapos bandang mga alas 4:50 ng hapon, kung saan nag hatid ang grupo ng bagong pag-asa at panandaliang kaligayahan sa mga residenteng nabigyan ng tulong.
Matatandaang kabilang ang Sitio Kamansilles at Sitio Riverside sa Balamban, Cebu na lubos na naapektuhan nang nakaraang Bagyong Tino na sinundan naman ng Bagyong Uwan.
Bagaman at wala ng bagyo, pero ang matinding epekto nito ay nanatili pa ring nakamarka sa mga residenteng nawalan ng mga tirahan, ari-arian at higit sa lahat ng kanilang mga mahal sa buhay.
Samantala, lubos namang nagpasalamat ang mga residente sa lahat ng mga nagpaabot ng tulong sa kanila sa panahon ng matinding kalamidad, gaya na lamang ng Philippine Navy, Philippine Marines at ng iba pang mga awtoridad.