SMPII, naglunsad ng OPLAN TABANG para sa mga nasalanta ng bagyo sa Liloan, Cebu
Naglunsad ang Sangguniang Masang Pilipino International Incorporated ng OPLAN TABANG para sa pamamahagi ng relief goods sa 170 pamilyang biktima ng pagbaha na dulot ng Bagyong Tino sa Sitio San Roque, Brgy. Jubay, Liloan, Cebu nitong Lunes, Nobyembre 24, 2025.
Bilang isang PNP-accredited NGO, muling ipinamalas ng SMPII ang kanilang aktibong pakikilahok sa mga gawaing pangkomunidad at pang-emergency. Katuwang nila sa nasabing relief operation ang Liloan Municipal Police Station, na nagbigay ng seguridad at suporta upang maging maayos at organisado ang aktibidad.

Bago ang aktibidad, namahagi ang SMPII ng 170 claim stubs bilang bahagi ng kanilang control measures upang matiyak ang maayos na daloy ng pila at patas na distribusyon ng tulong.
Pinangunahan ang relief operation ni Agent Officer 1 Angelo F. Taghoy, OIC ng SMPII Lapu-Lapu Chapter, sa gabay ni Chief Agent Officer 1 Ibrahim Robel R. Beltran, Chairman ng SMPII National and International.
Ang mga grocery packs ay donasyon mula sa mga OFW members ng SMPII abroad at mga miyembro nito sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, muling ipinakita ng SMPII at mga kapulisan ang kanilang malasakit at pagbubuklod para sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad.
Tiniyak din ng organisasyon na patuloy silang makikipagtulungan sa mga awtoridad at lokal na opisyal upang maihatid ang kinakailangang suporta sa mga komunidad na apektado ng sakuna.