Walang katotohanan ang paglabag sa Honor Code at P15-B “ghost projects” – AFP
Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Huwebes na pawang kasinungalingan ang mga alegasyong lumalabag umano sa Philippine Military Academy (PMA) Honor Code ang kanilang punong kumandante na si Gen. Romeo Brawner Jr. at tumanggap ng humigit-kumulang Php15 bilyon para sa mga tinaguriang “ghost projects.” Ayon sa AFP, bahagi ito ng patuloy na mga pagsisikap ng disinformation na naglalayong sirain ang integridad ng sandatahang lakas.
“Binabalaan ng AFP ang publiko laban sa isang lumang media post mula Nobyembre 2025 na muling ikinakalat upang magpalaganap ng mali at mapanlinlang na mga paratang laban kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. Ang mga alegasyong ito ay walang batayan at bahagi ng patuloy na kampanya ng disinformation na naglalayong pahinain ang integridad ng AFP at ng pamunuan nito,” ayon sa pahayag ng AFP.
Idinagdag pa ng AFP na walang katotohanan ang mga paratang na nilabag ni Brawner ang PMA Honor Code dahil wala umanong “anumang reklamo, imbestigasyon, o natuklasan” na sumusuporta sa naturang akusasyon.
“Ito ay isang gawa-gawang naratibo na layong sirain ang reputasyon ng isang mataas na opisyal ng militar,” dagdag pa nito.
Bukod dito, mariing itinanggi ng AFP ang paratang na tumanggap ito ng Php15 bilyon mula kay Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez para sa mga “ghost projects.”
“Ang halagang binabanggit ay tumutukoy sa TIKAS (Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad) infrastructure program, na pinaplano, binabadyetan, at ipinapatupad nang eksklusibo ng Department of Public Works and Highways. Walang papel ang AFP sa paghawak o pamamahala ng mga pondong ito,” ayon pa sa pahayag.
Hinimok din ng AFP ang publiko na maging mapagmatyag laban sa mga “nireresiklo at mapanlinlang na mga naratibo” at umasa lamang sa opisyal at mapagkakatiwalaang mga sanggunian.
“Nanatiling matatag ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kanilang pangako sa transparency, pananagutan, at integridad sa pagtupad ng kanilang tungkuling konstitusyonal,” ayon sa AFP.