Matatag na Ugnayan at Pagkilala sa Partner NGOs, Tampok sa PNP KA-TAGUYOD Meet and Greet 2026
Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na patatagin ang ugnayan sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at mga katuwang na Non-Government Organizations (NGOs), matagumpay na isinagawa ang PNP KA-TAGUYOD Meet and Greet 2026 noong Enero 27, 2026 sa Bulwagang LapuLapu, Camp BGen Rafael T. Crame.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni PBGen Vina H. Guzman, Direktor ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG), katuwang ang Community Assistance and Development Division (CADD) sa pamumuno ni PCol Luis E. Guisic, Chief ng CADD.
Sa isinagawang programa, tinalakay ang mga mahahalagang usapin gaya ng paglaban sa fake news, wastong paggamit ng social media, at ang mga nakaplanong programa at aktibidad ng CADD para sa mga susunod na buwan. Layunin nitong palakasin ang kaalaman ng mga kalahok at higit pang paigtingin ang koordinasyon at kooperasyon ng PNP at mga NGO partners sa pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran ng mga komunidad.

Bilang bahagi ng pagkilala sa mahalagang papel ng mga katuwang na organisasyon, iginawad ang Certificates of Recognition sa mga kinilalang Best NGOs para sa mga buwan ng Nobyembre at Disyembre 2025. Kabilang sa mga pinarangalan ang Public Assistance for Rescue, Disaster and Support Services Foundation International, Inc. (PARDSS-FII), NARIAG Anti-Narcotics International Assistance Group, Mata ng Masa Task Force Intelligence International, at Bantay-Bayan Foundation, Inc.
Kasunod nito, isinagawa rin ang pagkakaloob ng Certificates of Accreditation sa mga bagong akreditadong NGO at sa mga organisasyong nag-renew ng kanilang akreditasyon, bilang pagkilala sa kanilang patuloy na suporta at aktibong pakikilahok sa mga programa at adbokasiya ng PNP.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si Mr. Elizier C. Bongabong, Pangulo ng PNP KA-TAGUYOD, sa PCADG para sa tuloy-tuloy na suporta at matibay na pakikipagtulungan sa sektor ng mga NGO. Sa kabilang banda, ipinahayag din ng PCADG ang kanilang pasasalamat sa mga NGO partner sa kanilang walang sawang pakikiisa at mahalagang ambag sa mga inisyatiba ng PNP para sa kapakanan ng mamamayan.
Ang PNP KA-TAGUYOD Meet and Greet 2026 ay nagsilbing isang mahalagang plataporma upang higit pang mapalakas ang tiwala, ugnayan, at malasakit sa komunidad—mga pundasyong mahalaga sa pagtataguyod ng isang mas ligtas, mas maayos, at mas matatag na lipunan.