68 Bags ng dugo, nakalap sa joint bloodletting ng IPPO kasama ang mga miyembro ng Advocacy Support Groups
Nagpakita ng malasakit at matibay na ugnayan sa komunidad ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) matapos makalikom ng 68 bags o kabuuang 30,600cc ng dugo sa isinagawang Joint Bloodletting Activity noong Pebrero 13, 2026. Pinangunahan ni PCol Manuel B. Bringas, Provincial Director ng IPPO, ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross – Isabela Chapter at Knights of Columbus – Ilagan Council 3705 sa Multipurpose Hall ng kampo, sa ilalim ng temang “Alay na Dugo sa Araw ng mga Puso.”
Nakiisa sa makabuluhang gawain ang mga personnel mula sa PHQ, IPMFCs, iba’t ibang istasyon ng pulisya, mga kinatawan ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, at mga miyembro ng Advocacy Support Groups. Ayon sa IPPO, ang nakolektang dugo ay ilalaan sa mga ospital at pasyenteng nangangailangan ng agarang blood transfusion—isang konkretong ambag ng kapulisan at kanilang mga katuwang upang makapagsalba ng buhay.
Binigyang-diin ng pamunuan na ang matagumpay na aktibidad ay bunga ng sama-samang pagkilos at boluntaryong paglahok ng mga donor na nag-alay hindi lamang ng oras kundi ng bahagi ng kanilang sarili para sa kapwa. Ipinakita nito na ang serbisyo ng pulis ay hindi natatapos sa pagpapatupad ng batas, kundi umaabot hanggang sa aktibong pakikipag-ugnayan at pagtulong sa komunidad sa oras ng pangangailangan.
Kasabay ng bloodletting, nagsagawa rin ang IPPO ng HS Enhanced Access Roving Team (H.E.A.R.T.) sa pangunguna ng kanilang Medical Officer katuwang ang Regional Medical and Dental Unit 2. Nagbigay ang roving team ng medical consultation, paggamot, nutritional counseling, psychosocial support, at dental services sa mga PNCO at kanilang dependents, kabilang ang pamamahagi ng maintenance medicines.
Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatiba, patuloy na pinatitibay ng Philippine National Police ang diwa ng serbisyong tapat at nararamdaman—hindi lamang para sa komunidad kundi maging sa sariling hanay at kanilang pamilya.
Source: Brigada News FM Cauayan