Project READS, naghatid ng liwanag at pagkakaisa sa Barangay Baang, Hungduan, Ifugao

0
viber_image_2026-02-22_14-15-41-393

Nagningning ang diwa ng pagkakaisa sa Brgy. Baang, Hungduan, Ifugao sa isinagawang “Turnover of Books for the Barangay Baang Reading Center at Volunteer’s Appreciation Day” sa ilalim ng Project READS (Reading Excellence for Development for Service) noong Pebrero 17, 2026. Layunin ng programa na palakasin ang literacy at pag-unlad ng komunidad, lalo na para sa mga mag-aaral ng Baang Elementary School at mga kawani ng barangay.

Mula sa paghahakot ng mga aklat, school supplies at mga gamot hanggang sa pormal na turnover, naging aktibo ang pakikilahok ng R-PSB Team ng RMFB15, 1501st MC at 1st Ifugao PMFC, kasama ang mga opisyal ng barangay, Barangay Health Workers, BPATs, miyembro ng 4Ps at mga boluntaryo. Nakiisa rin ang mga guro ng Baang Elementary School na direktang makikinabang ang kanilang mga mag-aaral sa proyektong ito.

Pinangunahan ang inisyatiba ng Ifugao State University (IFSU) Hungduan Campus sa pamumuno ni Campus Director Generous Ognayon. Bahagi ito ng isang tatlong taong plano na naglalayong iangat ang antas ng edukasyon at impormasyong makatutulong sa pangkalahatang pag-unlad ng Barangay Baang.

Ang bagong tatag na Barangay Baang Reading Center ay magsisilbing sentro ng kaalaman para sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng mas malawak na akses sa mga babasahin at paglinang ng pagmamahal sa pagbabasa. Makikinabang din ang mga kawani ng barangay at mga boluntaryo sa pamamagitan ng mga materyales ukol sa report writing at IEC na may kaugnayan sa agrikultura—isang mahalagang sektor sa komunidad.

Nabuo at patuloy na sinusuportahan ang Project READS ng mga Overseas Filipino Workers mula sa Brgy. Baang, katuwang ang mga empleyado ng pamahalaan at mga guro at kawani ng IFSU. Bukod sa mga aklat, nagkaloob din sila ng mga gamot at munting regalo bilang pagkilala sa ambag ng mga boluntaryo.

Ipinapakita ng proyektong ito na sa sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor, posible ang pangmatagalang pag-unlad at mas maliwanag na kinabukasan para sa komunidad.

Source: RMFB15 Wolverines FB page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *