PNP at LGU, nagkaisa para sa kalusugan ng mga senior citizen sa Cervantes
Pinangunahan ng mga tauhan ng 102nd Maneuver Company RMDB1 ang isang wellness activity para sa mga nakatatanda sa bayan ng Cervantes noong Pebrero 25, 2026. Sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Oliver L. Gaspar, nagsagawa ng Zumba session sa Cervantes Municipal Gymnasium na dinaluhan ng mga senior citizen ng munisipalidad.

Ang aktibidad ay inisyatiba ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Cervantes bilang bahagi ng kanilang programa para sa kapakanan ng mga nakatatanda. Sa pakikipagtulungan ng kapulisan, naging mas masigla at organisado ang naturang pagtitipon na naglalayong hikayatin ang aktibong pamumuhay at pangangalaga sa kalusugan ng mga lolo at lola sa komunidad.
Layunin ng programa na itaguyod ang “active aging,” at malusog na pamumuhay ng mga senior citizen. Higit pa rito, nagsilbi rin itong daan upang higit pang mapatatag ang ugnayan ng pulisya at komunidad sa pamamagitan ng makabuluhang pakikilahok sa mga gawaing panlipunan.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, muling ipinakita ng 102nd Maneuver Company RMDB1 ang kanilang patuloy na suporta sa mga programang nakatuon sa kalusugan, moral, at pangkalahatang kapakanan ng mamamayan. Pinatunayan din nito na ang matibay na pagtutulungan ng PNP at lokal na pamahalaan ay mahalaga sa pagbuo ng mas malusog, mas masigla, at mas nagkakaisang pamayanan.
Source: 102nd MC RMFB1