PNP at mga sektor ng komunidad, nagkaisa sa mangrove restoration at coastal clean-up sa Palawan

0
viber_image_2026-02-28_12-17-14-936

Nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Philippine National Police at iba’t ibang sektor ng komunidad para sa isinagawang Mangrove Restoration at Coastal Clean-Up Activity noong Pebrero 27, 2026 sa baybaying bahagi ng Brgy. Tabon, Quezon, Palawan.

Isinagawa ang aktibidad bilang pagsasabuhay sa core value ng PNP na “Makakalikasan,” na layong pangalagaan ang kalikasan at palakasin ang kamalayan ng mamamayan sa pangangalaga ng kapaligiran.

Pinangunahan ni PLt Melchor A. Venturillo ang 4th Platoon sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol Randy Rajah V. Ramos, katuwang ang mga guro at mag-aaral ng Quezon National High School at mga miyembro ng Boy Scouts of the Philippines. Tampok sa programa ang temang “Mission Camp and Coast: Empowering QNHS Youth for Environmental Stewardship and Social Action,” na naglalayong hubugin ang kabataan bilang aktibong tagapangalaga ng kalikasan.

Nagbigay ng seguridad ang mga tauhan ng PNP upang matiyak ang maayos at ligtas na daloy ng aktibidad, habang aktibo ring nakibahagi sa pagtatanim ng mga punong bakawan at paglilinis ng dalampasigan. Ipinakita ng mga pulis na hindi lamang sila tagapagpatupad ng batas kundi katuwang din ng komunidad sa mga programang pangkalikasan.

Sa pamamagitan ng ganitong inisyatiba, patuloy na pinatitibay ng PNP ang ugnayan nito sa mga paaralan at lokal na stakeholder. Ang sama-samang pagkilos para sa kalikasan ay patunay na sa pagtutulungan ng pulisya at komunidad, mas nagiging epektibo ang mga hakbang tungo sa isang ligtas, maayos, at mas luntiang kapaligiran para sa susunod na henerasyon.

Source: 1st Palawan PMFC

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *