Bayanihan para sa Kalusugan: Americares Philippines at LGU San Carlos, naghatid ng Serbisyong Medikal
Nagsagawa ang Americares Philippines ng isang humanitarian medical mission sa Barangay Guelew Multi-Purpose Gymnasium noong Agosto 14, 2025 upang maghatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Pinangunahan ang aktibidad ni Head Medical Officer Dra. Elem May Vila Sanchez-Asis at Mr. Paul Gwyn L. Pagaran, Country Director ng Americares Philippines, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng San Carlos sa pangunguna nina Mayor Julier “Ayoy” Resuello at Vice Mayor Joseres “Bogs” Resuello, at ang City Health Office sa pamumuno ni Dra. Susan Benitez. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at koordinasyon ng mga nabanggit na ahensya at opisyal, matagumpay na naisakatuparan ang humanitarian response.

Nagbigay ang Americares ng libreng konsultasyong medikal at namahagi ng mga pangunahing gamot para sa mga residente.
Bilang isang pandaigdigang organisasyong nakatuon sa kalusugan, unang nagtatag ng sangay sa Pilipinas ang Americares bilang tugon sa pinsalang dulot ng Bagyong Yolanda. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy nitong isinusulong ang misyon na maghatid ng mahalagang serbisyong pangkalusugan at suporta sa mga komunidad na tinamaan ng sakuna.
Source: City Information Office San Carlos City Pangasinan