Pusong nagkakaisa para sa kalikasan: R-PSB Team at komunidad, nagtanim ng pag-asa sa araw ng mga puso

0
viber_image_2026-02-16_15-18-09-331

Bilang bahagi ng pagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at komunidad at pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso noong Pebrero 14, 2026, nagsagawa ang Revitalized-Pulis sa Barangay (R-PSB) Team ng isang Mangrove Planting Activity sa baybaying bahagi ng Barangay Jolo, Roxas, Palawan.

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK), kapulisan mula sa Roxas Municipal Police Station, mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), KKDAT members ng Jolo at KKDAT Officers ng Roxas, 4Ps beneficiaries, at mga residente ng naturang barangay.

Layunin ng aktibidad na mapalakas ang pangangalaga sa kalikasan, partikular ang pagpapanumbalik at pagpapanatili ng mga bakawan na nagsisilbing likas na proteksyon laban sa storm surge, pagbaha, at pagguho ng lupa. Malaki rin ang ambag ng mga bakawan sa pagpapanatili ng balanseng ekosistema at sa kabuhayan ng mga mangingisda sa komunidad.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagtatanim ng mga punla ng mangrove, ipinamalas ng kapulisan at komunidad ang diwa ng bayanihan at malasakit sa kapaligiran. Ipinapakita ng aktibidad na ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ay hindi lamang naipapamalas sa personal na paraan kundi maging sa pamamagitan ng pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan.

Patuloy ang R-PSB Team sa pagsasagawa ng mga programang nakatuon sa environmental protection at community engagement, alinsunod sa mandato ng Philippine National Police na maglingkod at mangalaga sa mamamayan at sa kapaligiran.

Source: 2nd Palawan PMFC Facebook Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *