BADAC meeting, isinagawa sa Bohol
Dumalo ang mga tauhan ng Inabanga Municipal Police Station sa buwanang pagpupulong ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at Anti-Terrorism Dialogue sa Barangay U-og, Inabanga, Bohol, noong ika-18 ng Agosto 2025.
Pinangunahan ito ni PCPT ALBERT R. SATOR, Hepe ng Pulisya (OIC), bilang bahagi ng kanilang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga barangay para mapalakas ang kampanya laban sa droga at kriminalidad.
Sa naturang pagpupulong, tinalakay ang iba’t ibang isyu kaugnay ng anti-illegal drugs campaign sa lugar, kabilang na ang patuloy na pagmamanman sa mga natukoy na personalidad na sangkot sa iligal na gawain.
Binibigyang-halaga rin ang pagbibigay ng tamang kaalaman sa komunidad ukol sa Anti-Terrorism at Insurgency Awareness, alinsunod sa mga mandato ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Executive Order No. 70.
Layunin ng mga programang ito na mapanatili ang katahimikan at kaligtasan ng pamayanan, pati na rin ang pagtataguyod ng isang drug-free at mapayapang kapaligiran.
Sa pamamagitan ng mahigpit na pagtutulungan ng pulisya, barangay, at iba’t ibang sektor ng lipunan, inaasahang mas magiging matibay ang proteksyon ng bawat mamamayan laban sa mga banta ng droga at terorismo.