R-PSB Taplacon at SSS, nagsanib-pwersa upang maghatid ng serbisyo publiko

0
viber_image_2025-08-21_14-25-03-874

Patuloy na ipinapakita ng kapulisan ang kanilang malasakit sa taumbayan matapos magsanib-pwersa ang Revitalized-Pulis sa Barangay (R-PSB) Taplacon sa Camalig, Albay at ang Social Security System (SSS) upang maghatid ng serbisyong publiko sa mga residente ng barangay nitong Agosto 20, 2025.

Layunin ng naturang aktibidad na mailapit ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan, partikular na sa mga nasa malalayong lugar.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng R-PSB at SSS, nakapagbigay ng impormasyon at direktang serbisyo ukol sa mga benepisyo at programa ng SSS gaya ng membership registration, updating of records, loan inquiries, at iba pang social security concerns.

Bukod dito, nagsilbing katuwang ang R-PSB Taplacon sa pamumuno ni PMSG Yumie R Barante, Team Leader sa pagtitiyak ng maayos na daloy ng programa at seguridad ng lahat ng kalahok, habang ang mga opisyal ng barangay naman ay nakibahagi upang maiparating sa kanilang nasasakupan ang kahalagahan ng pagiging kasapi ng SSS.

Pinuri ni PCOL NOEL D NUÑEZ, Provincial Director ng Albay PNP, ang matagumpay na pagtutulungan ng dalawang ahensya. “Ito po ay isang magandang halimbawa na kapag nagsanib-puwersa ang pamahalaan at kapulisan, mas napapalapit ang serbisyo sa ating mga kababayan, lalo na sa mga lugar na malayo sa sentro ng bayan,” ani ng opisyal.

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng R-PSB na hindi lamang tumutok sa seguridad, kundi maging sa pagpapalakas ng community relations at pagtulong sa paghahatid ng pangunahing serbisyo para sa kapakanan ng bawat mamamayan.

Source: Rpsb Taplacon and Albay Police Provincial Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *