Mahigit 1,400 Palaweño, nabenepisyuhan ng libreng serbisyong medical sa surgical mission sa Taytay

0
viber_image_2025-08-27_11-27-09-459

May kabuuang 1,443 residente ng Palawan ang naging benepisyaryo sa isinagawang tatlong araw na surgical mission sa Northern Palawan Provincial Hospital (NPPH) sa bayan ng Taytay, Palawan nitong nakalipas na Agosto 23-25, 2025.

Kabilang sa mga libreng serbisyong medikal na naipagkaloob ay 129 major surgeries, 134 minor surgeries, 59 ophthalmology procedures, 735 pasyente para sa optometry, 300 pasyente para sa dental services, 12 cervical screenings, 53 endoscopy, at 21 colonoscopy.

Ang aktibidad ay matagumpay na naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at ng Sui Generis Mission Team mula Cebu na pinangunahan ni Justice Geraldine Faith Econg kasama ang mahigit 120 delegado nito.

Katuwang din sa pagsasagawa ng surgical mission ang Provincial Health Office, Provincial Social Welfare and Development Office, buong pamunuan ng NPPH, League of Municipalities–Palawan Chapter, Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Governor Leoncio Ola, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Tanggapan ng 2nd Congressional District, Taytay PNP, at PINOY Workers Partylist.

Ayon kay Gob. Amy Roa Alvarez, layunin ng pamahalaang panlalawigan na ipagpatuloy ang ganitong mga programa upang masiguro na ang serbisyong pangkalusugan ay maramdaman ng bawat Palaweño saan mang bahagi ng lalawigan.

Ang tatlong araw na surgical mission sa Taytay ay isa lamang sa mga programang pangkalusugan na patuloy na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan upang matiyak na ang bawat mamamayan ay may pantay na akses sa serbisyong medikal.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *