Bamboo Planting and Growing Activity, isinagawa
Bilang bahagi ng selebrasyon ng Philippine Bamboo Month, matagumpay na isinagawa ang isang Bamboo Planting and Growing Activity noong Setyembre 18, 2025 sa Barangay Kilalag, Malita, Davao Occidental.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng iba’t ibang sektor mula sa pamahalaan at komunidad, kabilang na rito ang Davao Occidental Police Provincial Office sa pamumuno ni Police Major Chuckstraire H Fegi, Chief ng PCADU.
Katuwang din sa aktibidad ang mga kawani ng 73rd Infantry Battalion, DENR-PENRO Davao Occidental, mga opisyal ng Barangay Kilalag, at mga miyembro ng Indigenous Cultural Community ng lugar.
Sa ilalim ng temang “Kawayan: Kalikasan, Kabuhayan, Kaunlaran sa Kinabukasan Para sa Bagong Pilipinas,” ang pagtatanim ng kawayan ay isinagawa bilang konkretong hakbang tungo sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga lokal na komunidad.



Tinatayang 100 katao ang nakiisa sa aktibidad bilang mga kalahok at boluntaryo.
Layunin ng programa na magsilbing plataporma hindi lamang para sa reforestation kundi bilang suporta rin sa mga sustainable livelihood na maaaring magmula sa industriyang kaugnay ng kawayan — gaya ng paggawa ng muwebles, handicrafts, at construction materials.
Ang nasabing aktibidad ay nagpapakita ng sama-samang pagkilos ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga mamamayan upang bumuo ng isang mas malusog na kapaligiran at mas matatag na kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.
Sa simpleng pagtatanim ng kawayan, naipapakita ang malalim na malasakit hindi lamang sa kalikasan kundi pati na rin sa kapakanan ng buong sambayanan.