Day 1 ng Project B.E.L.E.N. Laban sa Kriminalidad, dinaluhan ng mga Barangay Leaders at Barangay Force Multipliers

0
viber_image_2025-09-19_15-28-23-640

Dinaluhan ng mga Barangay Force Multipliers ang Day 1 ng Project B.E.L.E.N. (Barangay Education on Law Enforcement Network) nito lamang Huwebes, Setyembre 18, 2025 sa Teen Center, Barangay Poblacion Oeste, Dagupan City.

Pinangunahan ito nina City Mayor Belen T. Fernandez, Vice Mayor Dean Bryan Kua, at PLtCol Lawrence Keith D. Calub, OIC ng Dagupan City Police Station.

Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga opisyal at miyembro ng mga Barangay Pantal, Lucao, at Tapuac, na nagsisilbing mga katuwang ng pamahalaang lungsod at kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa kani-kanilang komunidad.

Layunin ng Project B.E.L.E.N. na maging plataporma para sa mas malalim na kooperasyon ng barangay leaders, mga tanod, at ng Philippine National Police (PNP) sa lungsod. Sa pamamagitan nito, inaasahang mababawasan ang insidente ng kriminalidad, mapalalakas ang sistema ng crime reporting, at magiging mas organisado ang pagtutulungan sa pagpapanatili ng seguridad sa bawat barangay.

Ayon kay Mayor Fernandez, mahalaga ang partisipasyon ng mga barangay sa pagtugon sa iba’t ibang banta sa seguridad:

“Hindi kakayanin ng pamahalaan at pulisya kung walang tulong at aktibong partisipasyon ng ating mga barangay. Ang Project B.E.L.E.N. ay simbolo ng pagkakaisa upang masiguro na ligtas at mapayapa ang ating Dagupan,” aniya.

Samantala, tiniyak ni PLTCOL Calub na magsisilbing tulay ang programa upang mapalakas pa ang ugnayan ng mga barangay officials at tanod sa kanilang pakikipagtulungan sa kapulisan.

Ang Project B.E.L.E.N. ay bahagi ng mga anti-criminality initiative ng Dagupan City Police Station na nakatuon sa mas matibay na network ng pagbabantay, tamang edukasyon laban sa krimen, at mas mabilis na pagtugon sa mga insidente sa barangay level.

Source: Dagupan City LGU

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *