Mainit na suporta sa Edukasyon sa pamamagitan ng Brigada Eskwela 2026, ipinamalas ng Tabaco City PNP
Ipinakita ng Tabaco City Police Station ang matibay nitong suporta sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa Brigada Eskwela 2026 Kick-Off Ceremony na ginanap alas-8:30 ng umaga nitong Hunyo 3, 2026, sa Tabaco National High School (TNHS) bilang paghahanda sa pagbubukas ng bagong school year.
Pinangunahan ni PLTCOL Virgil B. Bibat, Chief of Police, katuwang si Ms. Salve Estrella, School Head ng TNHS, ang aktibidad na dinaluhan ng mga guro, magulang, boluntaryo, at iba pang stakeholders na nagkatuwang para sa paghahanda at pag-aayos ng paaralan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PLTCOL Bibat ang buong suporta ng pulisya sa mga programa ng Department of Education (DepEd) na layuning masiguro ang ligtas, maayos, at angkop na kapaligiran para sa mga mag-aaral. Ayon sa kanya, mahalaga ang pagtutulungan ng kapulisan, paaralan, magulang, at komunidad upang maprotektahan ang kapakanan ng mga estudyante.
Ipinahayag din niya na mananatiling katuwang ang Tabaco City Police Station sa pagpapanatili ng seguridad ng mga paaralan sa buong taon sa pamamagitan ng police visibility, regular na patrol, at mas pinaigting na koordinasyon sa mga paaralan.
Binanggit din na ang mga hakbang para sa seguridad ng paaralan ay alinsunod sa direktiba ni Mayor Rey Bragais, na patuloy na isinusulong ang ligtas na kapaligiran sa mga institusyong pang-edukasyon sa lungsod.
Ang pakikilahok ng Tabaco City Police Station sa Brigada Eskwela 2026 ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng PNP sa community engagement at nation-building sa pamamagitan ng edukasyon, na layuning makapaghatid ng ligtas at maayos na lugar para sa pagkatuto ng mga kabataan.