CHED, DEPED at PNP, nagkaisa upang labanan ang ilegal na droga at sirkulasyon ng marijuana sa Iloilo City
Muling naglunsad ng coordination meeting ang mga pamunuan ng Iloilo City Police Office (ICPO), kasama ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) kaugnay sa paglaban sa ilegal na droga maging ang sirkulasyon ng marijuana sa lungsod ng Iloilo nito lamang Setyembre 29, 2026.
Ginanap ang naturang coordination meeting sa ICPO Old Conference Room, Camp Achilles D. Plagata, General Luna Street, Iloilo City kung saan dumalo sina Police Colonel Aladdin E. Dingal, Chief ng Regional Community Affairs and Development Unit (RCADD), PRO6, at si Police Colonel Wilbert B. Parilla, City Director ng ICPO.
Nakiisa rin sa meeting si Police Lieutenant Colonel Donnel P. Regis, Chief ng City Intelligence Unit (CIU); Police Major Shella Mae A. Sangrines, Acting Chief ng CCADU at ICPO Spokesperson; Police Major Jerly Mae Lapasaran, OIC ng Regional Intelligence Division; at si Police Major Froilan Domicle, Chief of Operations ng Regional Anti-Cybercrime Unit 6.
Samantala, kabilang naman sa nga kinatawan ng education sector sina Dr. Mitchelle F. Lopez, Education Supervisor II; Dr. Gregorio Perez ng CHED Regional Office 6; at DepEd-Iloilo City Social Mobilization Officers Flore Cria Ider I. Garcia at si Lodger S. Deslate Jr.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga hakbang na ipatutupad ng pamahalaan para maagapan ang sirkulasyon ng ilegal na droga sa kabataan, partikular na sa ulat ng paglaganap ng marijuana distribution sa Iloilo City.
Kabilang din sa tinalakay ng grupo ang pagpapatupad ng capacity-building activities para sa mga magulang at ang pag-organisa ng Cyber Warriors sa mga paaralan upang maging bahagi sa information campaign at awareness at drug-prevention efforts ng pamahalaan.
Pinag-usapan din ang Memorandum of Agreement (MOA) para mas maging organisado at koordinado ang kampanya ng mga ahensya kontra sa lahat ng mga marijuana-related concerns pati na rin sa iba pang mga isyu na may kaugnayan sa kaligtasan at seguridad ng mga paaralan.