Komunidad at mga awtoridad, nagkaisa para sa libreng kasal sa CamSur
Bilang pagpapakita ng malasakit at pagkakaisa para sa kapakanan ng mga mamamayan, nagtulungan ang Camarines Sur 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), R-PSB Team Lugsad, Black Nazarene Parish Church, at Sangguniang Barangay ng Lugsad upang maisakatuparan ang programang “Libreng Kasal” noong Oktubre 26, 2026.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, nabigyan ng pagkakataon ang isang magkasintahan na opisyal na pag-isahin ang kanilang buhay sa pamamagitan ng kasal, nang hindi kinakailangang magbayad ng honorarium sa pari.
Nakiisa sa programa si Rev. Fr. Russel A. Pletado, Parish Priest ng Black Nazarene Parish Church, kasama ang Sangguniang Barangay ng Lugsad sa pangunguna ni Punong Barangay Hon. Ronald S. Perez. Sa sama-samang pagkilos ng kapulisan, simbahan, at pamahalaang barangay, naipamalas ang kahalagahan ng pagtutulungan upang maabot ng mga mamamayan ang kanilang mga pangarap at mapatatag ang pundasyon ng kanilang pamilya.
Pinatutunayan ng programang “Libreng Kasal” na ang tunay na serbisyo publiko ay naipakikita sa pamamagitan ng taos-pusong malasakit, pagkakaisa, at kahandaang tumulong sa kapwa.
Sa patuloy na pakikipagtulungan sa mga institusyon at lokal na pamahalaan, higit na napagtitibay ang ugnayan ng kapulisan at mamamayan tungo sa pagbuo ng matatag na pamilya, nagkakaisang komunidad, at mas ligtas na kinabukasan para sa bawat Bicolano.