Crime Prevention Awareness at Information Drive, dinaluhan ng mga residente sa Iriga City
Patuloy na nakikiisa ang mga residente sa Iriga City sa kampanya ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng Crime Prevention Awareness at Information Drive na isinagawa dakong alas 3:30 ng hapon noong Oktubre 25, 2026, kasabay ng isinakatuparang Barangay Assembly sa Barangay San Isidro, Iriga City.
Nanguna si PSSg Jeffrey V. Orbon, Assistant Police Community Affairs and Development (PCAD) PNCO, sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Jeric Don P. Sadia, hepe ng Iriga City Police Station, sa paglulunsad ng information drive.
Tinalakay niya ang mahahalagang hakbang sa pag-iwas sa krimen, kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga, kaligtasan sa kalsada, at tamang paraan ng pag-uulat ng mga insidente sa kinauukulang awtoridad.
Layunin ng naturang talakayan na mapalawak ang kaalaman ng mga residente tungkol sa mga posibleng banta sa kanilang kaligtasan at mahikayat silang maging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran.
Binigyang-diin din sa aktibidad ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang barangay. Hinikayat din ng Iriga City PNP ang mga residente na agad iulat sa kanilang himpilan ang mga kahina-hinalang gawain, sumunod sa mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada, at makiisa sa mga programang naglalayong maiwasan ang krimen at ilegal na droga.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kapulisan at komunidad, mas mapapalakas ang pagbabantay at maagap na pagtugon sa mga suliraning pangseguridad.
Muling tiniyak ng Iriga City Police Station, sa pamumuno ni PLTCOL Sadia, ang patuloy nitong pagsasagawa ng mga programang pang-impormasyon at pangkomunidad upang mapangalagaan ang buhay at ari-arian ng mga mamamayan. Patuloy ding isinusulong ng kapulisan ang matibay na ugnayan sa mga lokal na opisyal at residente upang makamit ang isang ligtas, maayos, at mapayapang komunidad para sa lahat ng Irigueño.