PNP at BPATs, nagsagawa ng Anti-Criminality Checkpoint sa Santa Rosa, Nueva Ecija
Nagsagawa ng pinagsanib na anti-criminality checkpoint ang mga tauhan ng Santa Rosa Municipal Police Station katuwang ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) noong Nobyembre 14, 2026, dakong 10:00 ng gabi, upang maiwasan ang mga kriminal na aktibidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Pinangunahan ni PLT Francisco Butardo Jr., Operations Officer, sa ilalim ng superbisyon ni PMAJ Lawrence D.R. Lira, Chief of Police, ang nasabing operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad.
Layunin ng checkpoint na masuri ang mga motorsiklo at sasakyang walang kaukulang rehistro o dokumento na pumapasok at lumalabas sa nasasakupan ng Santa Rosa.
Nagsisilbi rin itong hakbang upang mapigilan ang mga posibleng krimen, partikular ang mga gawaing kinasasangkutan ng mga suspek na gumagamit ng motorsiklo.
Sa pamamagitan ng patuloy na koordinasyon ng PNP at BPATs, layunin ng operasyon na mapalakas ang seguridad at mapanatili ang ligtas at maayos na pamayanan sa Santa Rosa, Nueva Ecija.