PBBM, Biden, magpupulong para lalo pang palakasin ang ugnayan ng PH at US

Ayon sa Malacanang noong Martes, Marso 19, 2024, magpupulong sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at United States (US) President Joe Biden sa Washington sa susunod na buwan para makahanap ng paraan para mapalakas ang alyansa sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa pahayag na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA), inihayag ng Palasyo na magkakaroon ng bilateral meeting si Marcos kay Biden, sa kanilang trilateral summit kasama si Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Abril 11, 2024.

“Habang nasa Washington, D.C., si Pangulong Marcos ay iho-host din ni Pangulong Biden sa White House para sa isang pulong upang kikilalanin ang pag-unlad ng ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos at ang matibay na pangako ng magkabilang panig na lalo pang palakasin ang alyansa,” saad ng DFA sa pahayag na inilabas ng Malacanang.

Ang nakatakdang US trip ni Marcos ay pagkatapos ng pagbisita ni US Secretary of State Anthony Blinken at ng kauna-unahang US President Trade and Investment Mission na pinamumunuan ni US Commerce Secretary Gina Raimondo sa Pilipinas.

Ayon sa DFA, layunin ng trilateral summit na isulong ang agenda ng tatlong bansa sa depensa, seguridad at interes sa ekonomiya.

“Kasama sina Pangulong Joseph R. Biden, Jr. at Punong Ministro Kishida Fumio, itatampok ni Pangulong Marcos ang trilateral cooperation bilang natural na progreso ng makasaysayan at matatag na ugnayan ng Pilipinas sa mga bansang ito, sa gayon ay mapahusay ang koordinasyon at pakikipagtulungan sa mga common priority areas,” dagdag ng DFA.

Ayon sa DFA, inaasahang tatalakayin din ni Marcos kina Biden at Kishida ang iba’t ibang paksa tulad ng maritime cooperation, infrastructure development, economic resiliency, at trade and investments.

Malinis na enerhiya, climate action, cybersecurity at digital economy ang karagdagang agenda sa trilateral summit, dagdag pa ng DFA.

Source: PNA

Photo Courtesy: PNA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *