Mag-inang may kapansanan, benepisaryo sa isinagawang charity event ng Team Alab Riders katuwang ang iba pang grupo ng riders
Sa pagnanais na matulungan ang mag-inang may kapansanan ay naisipang magsagawa ng Charity Program na may temang “Lakbay Ko, Tulong Ko” ang ALAB (ALacapan, Abulug & Ballesteros) RIDERS katuwang ang iba pang Riders Club mula pa sa ibang probinsya noong September 3, 2023 sa Brgy Burut, Allacapan, Cagayan.
Hindi man makita ni Nanay Felisa Ballesta kung ilang grupo ng riders ang bumiyahe mula pa sa malalayong lugar upang masaksihan lamang ang kanilang kalagayan at maihatid ang tulong na para sa kanila ng anak nitong may kapansanan na si Jomar ay sobrang damang-dama naman niya ang labis na kagalakan at pasasalamat sa biyayang inabot ng nasabing grupo na umabot sa P24,000.
Naging katuwang din nila ang kapulisan mula sa 2nd Cagayan Mobile Force Company sa pamumuno ni PLtCol Darwin John B Urani, Force Commander kung saan nag-abot ang mga ito ng Grocery Items para sa mag ina.
Labis naman ang tuwa at pasasalamat ng mga benepisyaryo sa biyayang natanggap nila sa mga grupo na kahit hindi sila kilala ay napansin nila ang kanilang sitwasyon sa buhay.
Patunay na marami pa ring mabubuting tao at grupo o organisasyon na may hangaring makapagbigay inspirasyon at makatulong ng bukal sa puso at walang hinihinging kapalit. Source: 2nd Cagayan PMFC