Advocacy Support Groups, nakiisa sa PRO 2 ugnayan
Patuloy ang pakikiisa ng mga kasapi ng Advocacy Support Groups na My Brother’s and Sister’s Life Coaches Incorporated (MBK-LC Inc.) at Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) sa mga isinusulong na programa ng Police Regional Office 2 sa Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City, Cagayan nitong Pebrero 8, 2024.
Ibinahagi ng naturang Advocacy Support Groups ang dalawang makabuluhang programa ang “Kahalagahan ng Pagiging Ama” at “KKDAT Kaakibat Tungo sa Landas ng Bagong Pilipinas” na naglalayong palakasin ang ugnayan sa komunidad at pagtataguyod ng kapakanan ng mamamayan.
Kasama sa pagpapalakas ng programa ang malaking suporta mula kina Police Major General Eric E Noble (Ret.) ng MBK-LC at Dr. Cecilia D. Noble, KKDAT National Adviser.
Bukod sa pagtupad sa kanilang misyon at pangarap, layunin ng aktibidad na palakasin ang mga ugnayan sa loob ng pamilya ng bawat mamamayan. Ito rin ay isang gabay para sa mga lalaking nasa uniporme sa pagpapanatili ng kaayusan ng kanilang tahanan at pagpapalakas ng tungkulin bilang haligi ng pamilya.
Sa kabilang banda, patuloy ang pakikipagtulungan ng KKDAT kasama ang paglahok ng mga bago at dating miyembro nito na magbahagi ng kanilang mga kaalaman.
Ang mga aktibidad na ito ay isang malaking tulong upang patatagin ang internal at external na puwersa at serbisyo publiko ng mga kapulisan. Sa patuloy na pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad at pagtutulungan sa mga adbokasiya, patuloy na nagiging tanglaw ito sa pagtataguyod ng kapakanan ng mamamayan at pagpapaunlad ng lipunan.
Source: Police Regional Office 2